Sa hirap ng buhay ngayon, sino ba naman ang hindi nais ang magkaroon ng mas magandang kabuhayan? Hindi lang naman para sa atin ang inaasam nating yaman, para din ito sa pamilya natin. Paano yumaman? Ano ang kailangang matutunan o gawin?

Tatlong Uri ng Tao

May mga tao na taon taon na lang, humiling na sana ay magbago na ang buhay nila. Pero taon taon, iyon pa rin ang ginagawa. Taon taon, hindi pa rin nagbabago ang buhay.

May mga tao na hindi papayag na habang buhay ay mamumuhay sa kakulangan. Handa silang gawin ang mga bagay na makakapagbago ng buhay nila, pero hindi sila marunong.

May mga tao na mataas ang pangarap. Hirap man sila ngayon, hindi ito hadlang upang matuto. Handa silang bigyan ng oras ang pag-aralan ang mga bagay na makakatulong sa kanila upang makamit ang kanilang mga pangarap.

Alin ka sa tatlong uri ng tao?

Paniniwala sa Yaman

Ikaw ba ay may malalim na paniniwala sa kasabihang ito, “Hindi nabibili ng pera ang kasiyahan.”

Magtapatan po tayo.

Kung sa isang iglap ay magbabago ang buhay mo, magkakaroon ka ng mas magandang kabuhayan para sa pamilya mo, gusto mo?

Ang totoo niyan, hindi nabibili ng pera ang kasiyahan, pero pwedeng bilhin ang mga bagay na magbibigay ng kasiyahan. Bukod diyan, maraming iniintindi ang mabibigyan ng lunas.

Ang Pananaw Ko sa Tatlong Uri ng Tao

Doon sa tatlong uri ng tao, ganito po ang pananaw ko.

May mga tao na kung tawagin ko, puro wishful thinking. Isip ng isip, lagi na lang nangangarap na magkaroon ng mas magandang buhay, pero wala namang ginagawa.

Wala itong pinagkaiba sa mga gustong manalo sa lotto. Gustong yumaman, pero hindi naman tumataya.

“Kahibangan ang paulit ulit na ginagawa ang isang bagay,” sabi ni Albert Einstein. “Pagkatapos ang inaasahan ay ibang resulta.”

Tama diba?

Kung gusto mo ng ibang resulta, hindi ba tamang sabihin na kinakailangang gumawa ng naiibang bagay?

Ngayon, may mga tao na napakasipag. Hindi lang nila alam kung paano yumaman.

Totoo naman na Diyos ang nagbibigay ng biyaya sa atin. Paano kung ang ginagawa naman ay hindi ikayayaman? Kahit na anong sipag at tiyaga, talagang hindi yayaman.

Sa madaling sabi, bukod sa pagkilos, kinakailangang alam din ang diskarte para umunlad at umasenso.

The Pursuit of Happyness

Napanood ba ninyo ang palabas na The Pursuit of Happyness? Base ito sa tunay na buhay ni Chris Gardner.

Hiwalay sa asawa si Chris at nasa kanya ang anak niya. Kung hindi ako nagkakamali, wala pang sampung taong gulang ang bata.

Dumating sila sa punto na natutulog sila sa mga shelters. Sa Amerika, may libreng pagkain at tulugan ang shelters para sa mga homeless.

Ang siste nila, pagkagising, aalis sila sa shelter. Babalik sila uli sa gabi. First come first serve. Nangyari na sa mag-ama ang hindi makapasok sa shelter dahil puno na ito. Doon sila natulog sa isang public comfort room.

Para hindi na mapahaba ang kwento ko, ito po ang turning point sa buhay ni Chris Gardner. Minsan may nakasalubong si Chris na sa tingin niya ay maganda ang buhay. Inalam niya kung ano ang trabaho ng taong iyon.

Ang ginawa niya, nagsumikap siyang pag-aralan kung paano rin niya magagawa ang trabahong iyon.

Doon siya yumaman.

Isa si Chris Gardner sa tinatawag na rags-to-riches story. Naging milyonaryo siya, may-ari ng maraming negosyo at investments. Ngayon isa siya sa kilalang motivational speaker sa Amerika.

Paano Yumaman ang mga Taong Successful

Ikaw daw ang average ng limang taong pinakamadalas mong kasama. Kung ang kasama mo at puro gago, e di malamang magiging gago ka rin.

Pero kung ang kasama mo ay mga taong seryoso sa buhay, tiyak magiging seryoso ka rin sa buhay.

Sa madaling sabi, piliin mong mabuti ang kasama mo.

Ang mas maganda, hanapin mo ang mga taong asensado, at alamin mo kung paano nila ginawa upang sila ay umasenso. Imbes na puro kalokohan o walang kabulunan ang inaatupag, mas magandang matuto sa mga successful na.